Thursday, January 20, 2011

Isang Tula

Naaalala mo pa ba nung una tayong magkita?
Ngumiti ka sa akin ng may kislap sa mga mata.
Ako'y nabihag ng matamis mong ngiti,
At umasang tayo'y magkikitang muli.

Di nagtagal at ika'y nagpahayag ng pagsinta,
At inilihim ko ang kaligayahang nadarama.
Subalit damdamin ko'y hindi na maitago,
At hinayaan kong sa iyo ibigay ang puso.

Kaligayahan nati'y walang pagsidlan
Sa init ng araw kahit pa sa tag-ulan.
Ngunit isang bagyo ang biglang dumating
Sa isang iglap ika'y naglaho sa aking piling.

Pilit mang ibalik ang ating nakaraan,
Mga luha ko'y hindi na tumatahan,
Sinumpaang pangako'y tila nalimutan
At pag-ibig mo'y naglaho sa kawalan.

Sana'y magbalik ang dating pagsinta
Nawa'y sa pagtawag ko'y ika'y tumalima.
Lahat ng hiling ay aking gagawin
Hanggang sa huling hininga'y ako'y panawin.